Araw ng mga Buhay na Patay
Isang mapanuyang komentaryo sa korapsyon sa gobyerno ng Pilipinas na inihalintulad sa mga “buhay na patay.”
Tuwing Araw ng mga Patay, dagsa ang mga Pilipino sa sementeryo upang alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. May mga kandila, bulaklak, at halakhakan habang nagsasalo-salo sa tabi ng puntod. Ngunit kung gusto talaga nating makita ang mga tunay na patay na buhay, mas mainam kung sa ibang uri ng sementeryo tayo pumunta — yung may marmol na sahig, pulang karpet, at mikropono sa halip na lapida.
Dahil sa Pilipinas, ang mga totoong “buhay na patay” ay nasa mga opisina ng gobyerno.
Bawat ahensya ay parang sariling libingan ng korapsyon. May Department of “Infrastructure at Palobong Bulsahan,” Bureau of “Customary Lagayan,” at Department of “Education Fund Diversion.” Sa loob ng mga tanggapan, maririnig mo ang mga daing ng mga nagbabayad ng buwis — mga kaluluwang nagbayad nang tapat pero hindi man lang nakakita ng maayos na kalsada, ospital, o seguridad sa buhay.
Ang nakakatawa pa? Hindi utak ang hinahanap ng mga zombing ito — kundi malakihang budget.
Tuwing eleksyon, bumabangon sila mula sa hukay ng iskandalo na parang bagong plantsadong barong at bagong pangakong amoy pormalin. Nakikipagkamay, humahalik sa bata, at nangangakong maglilingkod — PARA SA SARILI PALA. Subukan mong dasalan o sabuyan ng holy water, walang epekto. Kahit Senate hearing o viral expose, buhay pa rin.
May ilan pa ngang marunong ng necromancy — binubuhay muli ang mga “patay na proyekto” para lang mapiga ang kaban ng bayan. Sa mga budget hearing, parang nagse-séance sila, tinatawag ang “espiritu ng sambayanang Pilipino” habang ang tunay na tinatawagan ay espiritu ng Swiss bank accounts.
At ang Kongreso? Aba, sementeryo ng mapagkunwaring may mabubuting intensyon. Dito nagtitipon ang mga “cult members” ng committee meetings — sumisigaw ng “Transparency!” o kaya ay "You're in contempt" habang sumusuporta o nananahimik SA MGA MALING GAWAIN NG MGA KASAMA. Sa Senado naman, laging may drama — isang talumpati, dalawang patak ng luha, at tatlong round ng golf — tapos na ang imbestigasyon.
Maging ang mababang kapulungan ay eksperto sa pagbubuhay-muli ng mga patay na. Tandaan mo yung mga “patay” na panukalang batas tungkol sa sahod o healthcare? Nabubuhay lang tuwing eleksyon, para lang ipakitang may “pag-asa” pa raw.
Sila ang mga "buhay na patay" na wala ng hiya at konsensya.
Samantala, bawat Pilipino ay nag-aalay ng kandila tuwing Nobyembre 1 para sa mga yumao. Pero marahil, panahon na para sindihan natin ng kandila ang buong bayan. Sapagkat mahirap nang malaman kung sino ang tunay na nagpapahinga — ang ating mga mahal sa buhay, o ang ating demokrasya.
Punô ng mga patay ang sementeryo.
Punô ng mga patay na buhay ang gobyerno.
At habang nagsisindi tayo ng kandila ngayong Araw ng mga Patay, bumulong tayo sa hangin:
“Kelan kaya sila kukunin ni Lord?”
Nipino.com is committed to providing you with accurate and genuine content. Let us know your opinion by clicking HERE.